09/12/2013
ACCEPTANCE SPEECH OF THE INCOMING CUSTOM COMMISSIONER, JOHN PHILLIP SEVILLA
Posted 09 December 2013
Sa aking bagong mga kasama dito sa Bureau of Customs, kay Commissioner
Ruffy, kay Sec. Purisima, magandang araw po sa inyong lahat.
Unang-una, gusto ko pong magpasalamat sa ating Panginoong Maykapal. Hindi ko po naiintindihan nang lubusan kung bakit niya ginusto na ilagay ako sa puwestong ito. Ngunit dahil nilagay niya ako rito, sigurado na po ako ngayon na ang ating Panginoon ay may sense of humor.
Pangalawa, gusto kong magpasalamat sa ating pangulong si P-noy sa kanyang pagtiwala sa akin. Wala akong kamuwang-muwang na ilalagay niya ako dito, nitong nakaraang Martes lang niya iyon sinabi sa akin. Para po akong tinamaan ng kidlat. Ginoong Pangulo, sana’y hindi mabigo ang pagtiwala niyo sa akin sa tungkuling ito.
Pangatlo, gusto kong magpasalamat kay Comm. Rufy, sa paglunsad niya ng matagal nang kinakailangan mga reporma dito sa Bureau, lalong-lalo na nitong mga nakaraang ilang buwan. Salamat, Com Ruffy. Sana’y makayanan naming lahat na ituloy ang mga pagbabagong iyong naumpisahan na.
Matapos ang sunod-sunod na pagsubok na naranasan ng ating mga kababayan sa Zamboanga, Bohol, Leyte, at kung saan-saan pa nitong huling mga buwan, kamangha-mangha ang tapang at lakas ng loob ng mga nasalanta ng mga pangyayaring ito. Kamangha-mangha rin ang bayanihan, pagkakaisa, at sigasig ng mga kababayan natin sa pagtulong sa kanilang kapwa. Malamang marami rin sa inyo ang nag vo-lunteer sa iba’t-ibang paraan para tumulong sa kanila.
Ganoong uri ng bayanihan, pagkakaisa, at sigasig ang kailangan natin para mapagpatuloy ang mga pagbabagong inumpisahan na ni Comm. Ruffy. Bata pa po ako, naririnig ko na ang salitang “Customs”, dahil customs broker po ang lolo ko at tatay ko. Noon pa lang, ang baho na ng pangalan ng Customs. Ganoon pa rin ngayon, ilang pangulo, commissioner, at secretary of Finance na ang dumaan. Hindi na natin ito mapagkakaila-ultimo ang pangulo natin, maliwanag na maliwanag ang sinabi tungkol sa atin noong huli niyang SONA.
Masakit man pakinggan, aminin po natin: ang buong Pilipinas, naniniwala na ang Customs ay bulok. Na ito ay pugad ng kapalpakan, serbisyong mabagal, at kawaning tiwali. Halos ang buong bansa natin, naniniwala na hinding hindi na ito magbabago kailanman. Kaya ko sinasabing halos buong bansa natin, ay dahil mayroong mga ilang naniniwala at umaasa na may mabubuti ring tao dito, at pati ang mga tiwali ay pwede pang magbago. At isa po ako sa mga taong naniniwala at umaasa ng ganoon. Kung hindi po ako naniniwala doon, kung hindi po ako naniniwala na kaya nating ibangon ang dangal ng Customs, hindi ko po tatanggapin ang hamong mamuno dito.
Hindi na uubra ang dating palakad. Kailangan natin ng pagbabago. Hindi na tayo pwedeng magbingi-bingihan sag alit n gating mga kababayan. Ang bawat isa sa atin, kailangan magbago. Magbago ng isip, magbago ng ugali. Sa edad natin, ang hirap na magbago ng isip at ugali, di po ba? Lalo na kung ang pagbabagong iyon ay makakabawas ng malaki sa kinikita ng isang tao. Lahat po tayo, may mga mahal sa buhay, may mga pangangailangan na kailangang tustusan. Ngunit kailangan nating lahat matuto sa halimbawa ng milyung-milyong Pilipinong nagsasakripisyo upang matulungan ang mga kababayan nating nasalanta ng sunod-sunod na sakuna. Kailangan nating isipin ang ikabubuti ng buong bansa, hindi lamang ang kapakanan ng ating sarili, o ang kapakanan ng ating mga minamahal sa buhay. Kailangan tanggapin ng bawat isa sa atin na ang pagtangaap ng kahit piso ng tara ay pagnanakaw, kahit hindi tayo humingi at tumanggap, inaasahang pagnanakaw parin iyon. Kailangang matuto tayong mamuhay at gumastos ng di lalagpas sa suweldo at ipon-wala nang iba.
Alam kong marami nang pagbabago ang naumpisahan ni Comm. Ruffy, pero napakalayo pa n gating kailangang tahakin, at napakarami pa ng pagbabagong kailangan isatupad, bago natin makamit ng ganap an gating mga layunin.
Repasuhin natin ngayon kung ano ang mga layuning iyon. Una, mangolekta ng tamang buwis. Pangalawa, ihinto ang smuggling. Pangatlo, silbihan ng maayos ang mga importers at exporters natin ng walang inaasahang kapalit, nang hindi tayo maging sagabal sa pangangalakal sa ating ekonomeya. Pag makamit natin iyan, makakamit rin natin ang pang-apat: ang pagbangon ng dangal ng Customs.
Sa ating mga kababayan, mga negosyante, mga importer at exporter, nanunumpa ako sa inyo ngayon na gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang makolekta ang tamang buwis, mahinto ang smuggling, at pabilisin ang daloy ng kalakal. Sana’y tulungan niyo kami sa pagbabagong aming ipapatupad pa. Sana’y maunawaan ninyo na hindi malulutas kaagad lahat ng problema dito. Sana’y maunawaan ninyo na maaring magkaroon ng pansamantalang pagkaantala sa mga serbisyo ng Customs habang may pinapatupad na pagbabago na magdadala ng benepisyong pangmatagalan sa pangangalakal.
Sa susunod na mga araw, umaasa akong magkakaroon tayo ng maraming pagkakataon na magkakilala at magkausap. Umaasa po ako na mabibigyan niyo ako ng payo tungkol sa mga kailangan nating baguhin upang makamit natin ang ating mga layunin. Humihingi po ako ng inyong kooperasyon at pasensya sa mga pagbabagong sabay-sabay nating dadaanan. Kapit-bisig po sana tayong lahat tungo sa pagbabago. December 9 na po ngayon, at may target pa tayong P 28 billion para sa buong buwan, kaya hanggang dito na lang po. May 1.4 billion pa tayong kailangan kolektahin sa araw na ito, at sayang din ang oras. Maraming salamat, at magandang umaga po sa inyong lahat.