18/08/2026
Lahat ba nakapanood na ng Ganito, Ganyan, Ganoon?
Isa sa mga eksena sa pelikula ang biglaang pagkawala ng kuryente kasabay ng masamang panahon na may kasamang malakas na ulan, hangin, kulog at kidlat.
Isang eksena man sa pelikula, malinaw naman nitong naipakita ang isang totoong sitwasyon na maaaring mangyari kapag masama ang panahon. Tara, pag-usapan natin!
Ang pagkawala ng kuryente sa gitna ng masamang panahon lalo na kung may pagkidlat ay maaaring sanhi ng pagkasira ng lightning arrester. Ang lightning arrester ay isang protective device na ginagamit sa mga electrical power system at mga gusali. Inililihis nito patungo sa grounding system ang napakataas na boltahe o electrical energy na dulot ng tama ng kidlat. Sa ganitong paraan, napoprotektahan ang mga mahahalagang electrical equipment, mga kable, at iba pang bahagi ng istruktura laban sa matinding pagkasira.
Maaari rin namang dahil sa mga sanga ng puno na dumampi sa mga bare conductor o hubad na linya dulot ng malakas na hangin. Kaya patuloy ang MARELCO sa pagsasagawa ng line clearing activities sa ilalim ng RA 11361 o Anti-obstruction of power lines act at pagpapalit ng mga insulated conductor upang maiwasan ang mga ganitong sanhi ng brownout.
Ilan lamang ito sa mga posibleng dahilan ng biglaan at hindi inaasahang pagkawala ng kuryente. Ganito man ang sanhi, Ganyan man ang pagkakataon, at Ganoon man ang oras, agad itong inaaksyunan ng ating mga Lineworkers upang maibalik ang serbisyo ng kuryente sa lalong madaling panahon.
Maliban dito, talagang naging kapansin-pansin ang kagandahan ng Marinduque, kung saan isinagawa ang shooting ng pelikulang ito na mapapanood sa Netflix. Tunay na magandang pagkakataon ito upang maipakita sa mas malawak na audience ang likas na ganda, kultura, tradisyon, at pamumuhay ng mga Marinduqueño.