16/08/2026
Laguna Courier - The Voice of the People Newspaper
August 17, 2026 ~ Last Page
SSS Micro Loan Program o SSS LoanLite
Hindi lahat ng pangangailangan sa pera ay kailangang malaki. Minsan, ilang libong piso lamang ang kailangan para matugunan ang isang agarang gastusin, madagdagan ang puhunan sa maliit na negosyo, o mairaos ang isang panandaliang pangangailangang pinansyal.
Para sa mga kwalipikadong SSS member, may bagong option para rito – ang SSS Micro Loan Program o SSS LoanLite.
Ang LoanLite ay nagbibigay ng micro loan na mula ₱1,000 hanggang ₱20,000, depende sa eligibility at loan computation ng miyembro. Ang loan ay maaaring bayaran sa loob ng 15, 30, 60, o 90 calendar days, kaya mas nakatuon ito sa mga pangangailangang kayang matugunan at mabayaran sa maikling panahon.
Sino ang maaaring mag-avail?
Hindi awtomatikong kwalipikado ang lahat ng miyembro. Kabilang sa mga pangunahing kondisyon ang pagiging 18 hanggang 65 taong gulang sa pagtatapos ng loan term at pagkakaroon ng hindi bababa sa 12 posted monthly contributions.
Hindi rin dapat magkaroon ng past due na short-term member loan, pending o unsettled final benefit claim, o active restructured loan. Kung mayroon nang dating micro loan na ni-refinance, kailangan itong fully paid bago muling makapag-apply.
Magkano ang maaaring mahiram?
Nakadepende ang loan amount sa bilang ng posted contributions at average monthly salary credit (MSC) ng miyembro sa nakalipas na 12 buwan.
Para sa miyembrong may hindi bababa sa 12 contributions, maaaring maging basehan ang 11% ng average MSC sa nakalipas na 12 buwan o ₱1,000, alinman ang mas mataas. Tumataas ang maaaring loan amount depende sa bilang ng contributions, hanggang sa maximum na ₱20,000.
Ang interest rate ay 8% kada taon o 0.67% kada buwan.
Ang LoanLite ay maaaring maging kapaki-pakinabang kapag maliit lamang ang kinakailangang halaga at malinaw kung paano ito babayaran sa loob ng maikling panahon. Ngunit tulad ng anumang loan, hindi dapat basta manghiram dahil lamang madali ang application.
Mahalagang suriin muna kung kailangan talaga ang pera, magkano lamang ang kinakailangan, at kung kakayaning bayaran sa takdang panahon.
Kapag hindi nabayaran sa pagtatapos ng loan term, maaaring magkaroon ng continuing interest at penalties. Maaari ring masuspinde ang SSS loan privileges hanggang sa tuluyang ma-settle ang past-due account.
Sa huli, ang SSS LoanLite ay isang karagdagang financial option para sa miyembrong may panandaliang pangangailangan. Ang tunay na benepisyo nito ay hindi lamang ang mabilis na access sa pera, kundi ang pagkakaroon ng loan option na may halagang at panahon ng pagbabayad na mas madaling planuhin, basta gagamitin ito nang responsable.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Maaari ring magpadala ng email sa [email protected], ang local na email address sa rehiyon para sa inyong katanungan, o tumawag sa SSS Hotline 1455 para sa mga paglilinaw, o anumang paksa tungkol sa SSS. Bukas din ang [email protected] para sa inyong concerns at katanungan. ~ John Oblanca
Philippine Social Security System - SSS